Balut Pinoy

6 05 2008

TopakTopak #18: Isang gabi, bumaba ako sa bus sa Zapote. Galing akong trabaho. As usual, maraming tao sa aking lalakaran dahil parang medyo nagkaroon ng “talipapa” doon. As in hindi mo na malalakarang ang sidewalk dahil sa mga nagtitinda, sa mga nakikiusi, at sa mga nakapila sa Lotto.

Naalala ko tuloy ang aking kaibigan nung kolehiyo. Nagagalit kasi kami kapag may mga sasakyan (lalo na ang mga motorsiklo) na nasa sidewalk. KAYA NGA SIDEWALK EH!!! Hahaha… Anyway, nawala na ako sa kwento. Eto na. Hehe…

Napatingin ako sa nagtitinda ng balot. May nakasulat na “BALUT PINOY”. Napaisip ako… Aba, meron palang balot na Pilipinong Pilipino ang dating! Ang Balut Pinoy! Hmmm, bakit, may ibang klase pa kaya ng balut? Balut intsik? Balut kano? Haha…

Maya-maya ay napaisip ako bigla… Ah… Balot Penoy pala yun… Haha.





Araw Ng Katopakan

10 04 2008

TopakTopak #17: Kahapon ay “Araw Ng Kagitingan”. Naramdaman niyo ba ito? Marahil ay hindi. Kung ako ang tatanungin mo, ay hindi ko ito naramdaman. Epekto ito ng paglilipat ng holiday sa ibang araw. At sa pagkakataong ito, ay Lunes ang ginawang holiday. Para sa mga pumapasok sa eskelahan o sa opisina ay okay ito kasi siyempre, long weekend. Pero sa tingin ko ay medyo nawawalan ng saysay ang mga araw na kagaya ng kahapon.

Di ko naman sinasadya pero isang taon na pala ang nakakalipas kahapon ng simulan ko ang isa pa sa mga departamento dito sa blog ko. Ang “Topalk!”. Kaya ko ginawa ito ay dahil gusto ko na kahit maraming inaatupag sa buhay, eh may panahon tayo ng tumawa man lang o magpakatotoo sa ating mga sarili. Tsaka hindi naman tayo mga perpektong tao, may mga pagkakataon talaga na tinotopak tayo. Ayan, kung kahapon ay “Araw Ng Kagitingan”, sa aking blog naman ay “Araw Ng Katopakan”. LOL.

O siya siya… As usual, magbabalik tanaw uli tayo sa nakalipas na isang taon ng katopakan.

Ep.1: Top 10 Na Eksena Na Madalas Makikita Sa Pelikulang Pilipino (April 9, 2007)
Ep.2: Akala Ko Ambon / Pimple Na Tinubuan Ng Mukha / I Am A Pichay Fan / Aba… Mayaman! (April 26, 2007)
Ep.3: Ang Baho Ng Usok Mo! / Jollibee-lis?!? / Eleksyon 2007 (May 17, 2007)
Ep.4: Adik Sa Bubble Gum / Tumaas Nanaman Ang Pamasahe (June 6, 2007)
Ep.5: Usapang Lalaki. Usapang Underwear (July 18, 2007)
Ep.6: Ang Paglipad Ng Anghel (August 9, 2007)
Ep.7: Wowowee Controversy (August 31, 2007)
Ep.8: Ang Pagtuligsa Sa Mga TV Commercials (LOL) (October 18, 2007)
Ep.9: Tinga Meets Kulangot, And A Copyright Story (November 8, 2007)
Ep.10: Mga Pwede Pang Gawan Ng Remake Sa TV (November 20, 2007)
Ep.11: Mas Baduy Ka Mariel! (November 30, 2007)
Ep.12: What Can I Give You This Christmas? (December 13, 2007)
Ep.13: O Swerte, Lumapit Ka! (January 9, 2008)
Ep.14: Nintendo Wee (February 28, 2008)
Ep.15: Showbiz Tsismoso (March 24, 2008)
Ep.16: Topak! April Fools’ Day Edition (April 1, 2008)

Haha. Isang taon na pala ang nakakalipas. Ang bilis ng panahon. Oh well, another year for Topak!





Topak! April Fools’ Day Edition

1 04 2008

TopakTopak #16: Magandang araw sa lahat! Ang bilis ng araw! Abril nanaman! At dahil unang araw ng Abril, ngayon ay April Fools’ Day. Well, wala naman akong balak manloko ng iba ngayong araw na ito. Hehe.

Ilang taon ng nakakalipas ng biruin ako ng mga kaibigan ko. Sinabi ng isang kaibigan ko sa akin na naaksidente raw ang isa naming kaibigan. Siyempre, nagalala ako. Naipamalita ko na rin sa iba naming kaibigan ang nangyari. Nagpaplano na akong pumunta sa ospital kung nasaan man yung kaibigan namin.

Maya-maya ay nalaman kong nagloloko pala sila. April Fools’ Day pala nun.

Nawala na ang kaba ko siyempre dahil hindi pala totoo. Pero medyo nagalit din ako sa kanila dahil hindi nakakatuwa ang biro nila. Pero okay na yun ngayon. Hehe. Ang gusto ko lang i-point out ay sana kung may balak kayong magbiro ngayong araw na ito, eh make sure na hindi offending. Well, depende rin naman siguro sa tao yun kung sobrang sports ba siya or may limitations ang mga birong matatanggap niya.

Pero hanga din ako sa mga taong sobrang sports, kagaya ng mga nayayari sa “Yari Ka” ni Michael V. Minsan talaga ay parang di na nakakatuwa yung ginagawa nila sa mga tao pero yung iba eh okay lang sa kanila matapos silang yariin. 





Showbiz Tsismoso

24 03 2008

TopakTopak #15: Naaalala ko noong nasa kolehiyo pa ako. Hindi kumpleto ang araw ko kapag hindi ko nahihiram ang “Libre” ng mga kaklase kong sumasakay sa MRT. Lagi akong sabik na basahin ang Entertainment section. Medyo masuwerte na ako kapag may bumili ng tabloid. Mas astig ang mga showbiz chismis doon. Minsan totoo, minsan hindi, at minsan eh halatang gimik lang ng mga artista para mapag-usapan.

Mainit na ang “network war” noon. Matagal na akong Kapuso. Madalas pa akong makipag-away sa mga Kapamilya noon. At kapag may issue ng lipatan, eh talagang affected ako, as in parang hindi ako mapalagay. Ewan ko ba. At kapag may bagong programa ang ABS-CBN, eh medyo kinakabahan din ako dahil baka matalo nito ang tatapatan nito sa GMA. Yun din yung mga panahon na nagsisimula ng umariba sa ratings ang GMA 7.

Ayun, kaya hanggang ngayon ay masasabi kong chismoso pa rin ako sa showbiz. Lagi nga ako bumibisita sa Philippine Entertainment Portal eh para makasagap ng latest news sa showbiz. Lagi ko ring hinahanap ang entertainment section sa mga broadsheets or tabloids. Inaabangan ko din ang Chika Minute at Star Patrol kapag nakakapanood ako ng balita. Nanonood din ako ng Startalk, Entertainment Live, Showbiz Central, The Buzz, at Ricky Lo Exclusives. Haha, ang chismoso ko noh?

Maaari kaya akong mag-host ng isang entertainment show balang araw? Haha. Di ko pinapangarap yun. Hehe.

Anyway, medyo matagal-tagal ko ng gustong i-post ito. Well, siyempre, tungkol sa mga latest chismis sa Philippine Showbiz. Walang pikunan ha. Opinyon/topak ko lamang.

Naging maingay ang muntik ng paglipad ng Songbird mula Kapuso papuntang Kapamilya. Akala ko ay magpapaalam na siya. Pero dahil feeling raw niya ay dineny siya ng Kapamilya, eh nagdesisyon ito na manatili sa Kapuso. Hindi ko hinangaan ang desisyon niyang iyon. Paano kung di siya dineny ng Kapamilya? Edi lilipad na nga siyang tuluyan? Feeling ko eh parang no choice na lang siya kaya nanatili siya sa Kapuso.

Pero kung natuloy ang kanyang paglipad, ano ang mangyayari sa kanya? Well, parang medyo may future naman siya doon, in fairness. Eh ano na ang nangyari kay Angel Locsin? Sayang. Kung siya sana ang gumanap na MariMar, eh mas sikat siya ngayon… wala ang spotlight kay Marian Rivera. By the way, disappointed ako sa ending ng MariMar.

Swerte talaga itong si Marian Rivera. Dahil sa MariMar, eh dumami ang commercials. At may album pa siya. Well, sa totoo lang ay hindi ako nagagalingan sa kanyang pagsayaw. Pero at least, she tried, kaysa kay Angel na di man lang nagtry. Ayaw daw niyang sumayaw at umawit. Pero ayan tuloy, pinapakanta (lip synch) siya sa ASAP. At tila mas gusto yata ng ABS si Valerie.

Bumalik na sa GMA si Angelika Dela Cruz. No comment. Wala lang. (Sana hindi na lang bumalik)

Si Angelica Jones naman ay umeksena uli sa “Shall We Dance”. No comment din. Pati na sa kanyang Mommy Beth.

Si Cristine Reyes ay hindi malaman kung lilipat na din ba sa Kapamilya. Okay lang yan, samahan na niya ang Ate Ara niya doon. Hahaha. Wala lang.

Mamaya ay magsisimula na ang Babangon Ako’t Dudurugin Kita. Nandun sina Yasmien Kurdi, Marvin Agustin, at Angelika Dela Cruz (saan ka pa? Wahahaha!). Mabuti na lang at nandun si Ms. Dina Bonnevie, at least baka panoorin ko pa ang soap na yun.

Pero medyo nagsasaw na ako sa mga series, mabuti na lang at gumaganda na ang programs sa QTV. Madalas doon na lang ako nanonood kapag gabi, lalo na tuwing may American Idol. Addict ako sa show na yan ngayon. Sana lang eh galingan na ni Ramiele Malubay para naman magtagal pa siya sa contest.

Oh well, masyado na yata akong bad. Haha. Wala na ako masyadong maisip na chismis sa ngayon. Mag-iipon uli ako tapos magpopost uli ako sa mga susunod na Topak. Hehehe. Walang pikunan!





Nintendo Wee

28 02 2008

TopakTopak #14: Kagabi ay nag-LBM ako pagkatapos ng aking trabaho… LBM, as in Looking for Better Management. Kaya medyo napalayo ako sa Ayala Avenue kung saan ako madalas sumasakay pauwi. Sumakay na lang ako ng jeep papuntang Landmark at sa terminal na lang na malapit sa SM Makati ako sumakay pauwi.

Wala lang. Usual lang naman ang naganap. Maya-maya ay bumigat ang daloy ng trapiko pagdating sa Pasay. Napatingin ako sa labas. Nakita ko ang isang pawnshop kung saan pwede kang mag-sangla ng mga techy gadgets mo. Pwede cellphone, ipod… at nakalagay sa karatula, pwede rin ang “Nintendo Wee”. Hahaha. Sayang at hindi ko nakunan ng larawan. Pero itatry ko sa susunod na mapahinto uli ako sa unahan ng pawnshop na yun.

Napaisip na lang ako bigla na siguro ay medyo naging seryoso ako noong mga nakaraang linggo. Nagsimula ng umappear sina eye bags pati na rin ang isang puting buhok. Ayoko mag-isip ng masyadong seryoso ngayon. Gusto ko isipin ang mga masasayang bagay… at mga kalokohan. Hehe.

Ito talaga ang rason kung bakit isinama ko itong “TopaK” dito sa Rowjielogy. Naniniwala kasi ako na kahit papaano ay kailangan din nating tumawa kahit marami tayong problema. Pampabata ang pag ngiti o pag tawa palagi.

Pero siyempre, mas masaya kung madedeposit ko na ang sahod ko mamaya. Hahaha. Mahirap na kung bukas kasi may rally nanaman dito sa Makati ang mga anti-Gloria.

Aliw na aliw din ako ngayon sa panonood ng American Idol sa QTV. Hehe. Medyo nasimulan ko kasi siya mula nung auditions kaya eto, ayokong mapalagpas ang isang episode. Siyempre, let’s support Ramiele Malubay (siyempre Fil-Am). Pero marami din magagaling na babae. Pero siyempre siya ang bet ko sa mga babae. Sa mga lalaki naman, gusto ko sina David Archuleta at Danny Noriega.





O Swerte, Lumapit Ka!

9 01 2008

Topak!Topak #13: Tada! Ito ang unang “Topak” para sa taong 2008! At ikalabing-tatlong episode pa ito. Malas o swerte? Hehe. Depende sa tao yan! Pero ako kasi noon swerte sa akin ang numerong 13.

Anyway, medyo in season naman ang titulo ng post na ito dahil kakatapos lang ng unang araw ng bagong taon. Siyempre, dahil bagong taon, usong-uso ang sangkatutak na pampaswerte. Isa ako sa mga naniniwala na dapat malinis ang bahay sa pagsapit ng bagong taon. Kaya bubg December 31 ay nagsipag ako na linisin ang mga parte ng bahay na bihirang linisin. Sayang nga lang at hindi kinaya ng powers ko na linisin ang buong bahay. Yung kusina at banyo lang ang naatupag ko. Pero yung kuwarto ko, ayun, di ko man lang natuunan ng pansin. Kaya nilagyan ko na lang ng 12 barya ang bintana ko. Actually, hindi sa bintana dahil medyo tinotopak ang bintana ko at minsan ay sumasara na lang siya bigla. Baka hindi ko pa makuha ang mga barya ko pag nagkaganun. Hehe. Kaya inilagay ko na lang sa cabinet na malapit sa bintana.

Nagsuot din ako ng stripes. Sabi nila para daw maraming perang bills ang dumating sa yo sa buong taon. Pag polka dots daw kasi ay puro barya lang. Haha. Mabuti na lang at marami-rami na akong naipong damit na stripes. Dati kasi wala akong masuot kapag bagong taon. Kulang na lang ay gumupit ako ng mga bilog gamit ang art paper, at idikit sa aking kamiseta.

Nakaugalian ko na din ang mag-ingay pagdating ng alas dose ng hatinggabi. Dati ay nagpapaputok kami. Pero isang beses ay dumikit ang watusi sa kamay ng kapatid ko. Mabuti na lang at walang nangyaring masama. Mula noon, hindi na kami nagpapaputok tuwing bagong taon. Medyo natakot na din ako sa paputok. Kaya nag-iingay na lang ako. Sasamahan ko pa ng talon para tumangkad naman ako. Napagiiwanan na kasi ako ng mga kaibigan ko sa height. Haha. Pero in fairness, medyo tumangkad yata ako nung nakaraang taon. Wala lang. Pansin ko lang. Hehe. O baka feeling ko lang? Siyempre, di rin mawawala ang mga bilog na prutas na sobrang nagtaasan ang presyo dahil sa bagong taon. Tsk tsk tsk.

Pero ika nga ni Zenaida Seva (tama ba ang ispelling?!?), “Hindi hawak ng mga bituin ang ating kapalaran. Gabay lamang po sila. Meron tayong free will, kaya, gamitin natin ito. Now, let’s go back to Julius, and Tin-Tin”. Haha. Sumobra na. Seriously, para sa akin, wala naman talagang masama kung maniniwala tayo sa mga ganyang bagay. Pero wag nating hayaang doon na lang tayo dumepende. Siyempre, si Lord lang naman talaga ang nakakaalam ng lahat. Ang mahalaga, eh mas naniniwala tayo sa kanyang kakayahan.

So paano mga peepz? Nawa’y maging maswerte ang taong 2008 para sa ating lahat!





What Can I Give You This Christmas?

13 12 2007

rh_tpk.jpgTopak #12. Disyembre nanaman! Malapit na ang Pasko kaya uso nanaman ang mga kris kringle o monito monita. Haha. Naalala ko yung unang beses akong sumabak sa kris kringle. Bata pa ako noon. Kaya super laking problema talaga sa akin kung paano ako makakabili ng regalo. Grade 2 yata ako noon. Sampung piso lang kada araw ang baon ko. Sa pamilya lang naman namin yung Kris Kringle. Actually, hindi pala ako ang kawawa. Ang kawawa yung nabunot ko. LOL. Joke lang. Pero mabuti naman at nairaos ko yun.

Ang mga sumunod na experience ko ay panay exchange gifts na lang tuwing Christmas party. Last year naman, first Christmas ko na may trabaho na ako. Pero wala namang ganun dun sa office ko last year.

Nakakaaliw ang mga themes ng Kris Kringle. Kasama na dyan ang mga usong usong something soft, something edible, something long, something hard, etc. Noong Sabado, sinamahan namin ang isang kaibigan namin kasi naghahanap siya ng pwedeng pang Kris Kringle. Ang theme, “something that will describe yourself”. Aba, medyo mahirap yata yun noh. Hehe. Pero kung ako yun, eh bibili ako ng manok na stuff toy, figurine, etc. Lolz. Wala lang. Nasanay na kasi silang “Manok” o “Chix” ang tawag sa akin.

Pero in fairness, mahirap talaga mag-isip ng regalo, lalo na kung may budget kang kailangang sundin. Nakakatawa pala ang episode ng “Ang Pinaka” nung Linggo. Topic ang mga pinakagasgas na Christmas gifts. Kasama na dun ang towels, mugs, candles, picture frames, fruitcake, planner, etc. Haha. Nakakatawa lang pero ayoko din namang masamain. Siyempre diba, it’s the thought that counts.

Pero habang tumatagal, medyo nagiging praktikal na tayo sa pagreregalo. Gusto natin yung magagamit talaga ng pagbibigyan natin. Or yung iba, pera na lang ang ibinibigay para bahala na yung bibigyan niya kung ano ang gusto niyang bilhin.

Pero siyempre, hindi naman regalo o materyal na bagay ang mahalaga ngayong Pasko (seryoso eto ha? hindi ito topak). Mahalaga na alalahanin natin ang tunay na diwa ng Pasko - na ito ang kapanganakan ni Hesus.